-- Advertisements --
PAO CHIEF ACOSTA

Binuweltahan ngayon ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta si dating Health Sec. Janet Garin matapos ipag-utos ng Department of Justice (DoJ) na kasuhan sila dahil pa rin sa isyu ng Dengvaxia vaccine na pinaniniwalaang sanhi ng pagkamatay ng mga batang naturukan ng naturang bakuna.

Maalalang kahapon kasabay ng paglabas ng DoJ panel ng resolusyon sa second batch ng Dengvaxia case ay sinabi ni Garin na recycled umano ang mga kasong isinampa sa kanila na kapareho sa unang batch ng Dengvaxia case.

Pero ayon kay Acosta sa eksklusibong pansyam ng Bombo Radyo Philippines, hindi raw ipag-uutos ng DoJ panel na pormal nang kasuhan sa korte si Garin at siyam na iba pa kung walang sapat at matibay na basehan sa isinampa nilang kaso.

Sa isyu ng pagkamatay ng mga batang sinabi ni Garin na hindi namatay dahil sa naturang bakuna, nanindigan naman si Acosta na pare-pareho ang resulta ng otopsiya ng PAO Forensic Lab sa bangkay ng batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.

Kahapon nang ilabas ng DoJ panel ang 78 pahinang resolusyon na sa reklamo st kasama sa mga pinasasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide sa korte ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Sanofi Pasteur, Inc. (Sanofi).

Nag-ugat ang kaso sa pagkamatay ng walong batang umano’y naturukan ng Dengvaxia na nasa ilalim ng ikalawang batch ng Dengvaxia case na inihain ng Public Attorneys Office (PAO) sa DoJ.