-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Committee on Transportation ang panukalang naglalayong ipagbawal ang drag racing sa mga pampublikong kalsada, kabilang na ang mga pampublikong sasakyan na nag-uunahan para makakuha ng pasahero sa daan.

Inaprubahan ng komite ang House Bill No. 3391 na naglalayong din patawan ng multa ang sinumang magkakarera o pabilisan sa mga pampublikong kalsada.

Ayon kay Quezon City rep. Precious Hipolito Castelo, ang may-akda ng panukala, maraming buhay ang nawala dahil sa pabilisan ng takbo sa mga kalsada.

Nakaka-alarma na nga aniya ang dami ng mga aksidenteng ito.

Noong 2017 lang, pitong katao ang iniwang sugatan ng dalawang bus na nagpapabilisan sa kalsada sa Bohol.

Sa ilalim ng panukala, sinumang lalabag sa mga probisyon na itinatakda ay pagmumultahin ng hindi bababa ng P300,000 pero hindi naman lalagpas ng P500,000 at o pagkakakulong sa loob ng isang taon.