Pormal nang inihain sa Kamara ang panukalang batas para sa maagang pagboto ng mga senior citizens at persons with disability (PDWs) sa mga halalan sa hinaharap simula Mayo 2022.
Ayon sa may-akda ng House Bill No. 8756 na si Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo, maaring umabot kasi sa election period ang COVID-19 pandemic.
Kaya naman mahalaga aniya para sa Kongreso na kumilos para tulungan ang mga awtoridad na maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19 sa mga botante.
Isa na aniya rito ang pagpayag sa mga nakatatanda at may kapansanan na makaboto ng mas maga dahil ang naturang mga sektor ang siyang pinaka-vulnerable sa COVID-19.
Sinabi ni Castelo na dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga nakatatanda at may kapansanan na makaboto na hindi naman makokompromiso ang kanilang kalusugan at kaligtasan dahil kung hindi mas marami ang hindi na lamang boboto sa pangamba na mahawa sa sakit.
Gayunman, nananawagan ang kongresista sa mga kapwa nito mambabatas na kaagad aprubahan ang panukalang batas na ito lalo pa at naghahanda na ang Commission on Elections para sa halalan sa susunod na taon.
Sa ilalim ng panukala, kailangan ng Comelec na itakda ng pitong araw na mas maaga sa araw mismo ng botohan ang pagboto ng mga senior citizens at PWDs sa mga pre-designated venues na accessible sa naturang mga sektor.
Ang gagastusin sa early voting na ito ay kukunin mula sa pondo ng Comelec.