-- Advertisements --

Itinutulak ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukalang batas para transparent at manual-automation election system sa Pilipinas.

Sa kanilang inihain na House Bill 86344 o Act Providing for Transparent Alternative Manual-Automation Election System for Philippine Elections (TAMA), sinabi nina Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat, France Castro, Arlene Brosas at Sarah Elago na maraming problema sa automated elections na kailangan masolusyunan.

Isa na anila rito ay ang kakulangan ng transparency at accountability sa buong proseso, at maging sa credibility ng halalan mismo dahil sa kawalan ng isang verifiable process na magtitiyak sa mga botante na nabilang ng wasto ang kanilang boto.

Ang kawalan ng transparancy anila ang siyang dahilan kung bakit mahirap silipin ang umano’y talamak na electoral fraud.

Sa kanilang panukala, iminumungkahi nilang panatilihin ang bilis nang automation sa canvassing process, pero magkakaroon naman ng manual voting process sa precinct level.

Sa ganitong paraan ay maiiwasan umano ang malawakang dayaan at delay na nangyayari kapag fully-automated ang halalan habang ang manual voting sa precinct level naman ay makakatulong para ma-verify kung tama ang na-canvass na boto ng mga makina. 

Iginiit ng grupo na sa pamamagitan ng kanilang panukala ay makakatipid ang Commission on Elections.

Aabot lamang kasi anila sa 20 hanggang 30 percent ang gagastusin ng Comelec kaysa ilang bilang piso para sa pagkuha naman ng isang technologica company.

Ang kakailanganin lamang aniya sa kanilang panukala ay mga computers na may basic capacity na pagsama-samahin at i-transmit ang election results.