-- Advertisements --

Isinusulong sa Kamara ang panukalang bigyang-kapangyarihan ang mga lokal na sanggunian ng mga bayan at siyudad sa bansa na magtakda ng “tricycle lanes.”

Ang House Bill 2118 ay inihain ni Camarines Norte Rep. Rosemarie Panotes.

Sa nasabing panukala, nilinaw na hindi saklaw ang “Metropolitan Manila” at sa halip ay ipauubaya sa Metro Manila Council ang pagpapasya sa usapin.

Kapag naging ganap na batas, ang mga lokal na pamahalaan ay magtatakda ng tricycle lanes sa mga pampublikong lansangan o highways sa kani-kanilang nasasakupan.

Sa explanatory note ng House Bill, binanggit ni Panotes na napapanahon nang magkaroon ng tricycle lanes dahil sa ngayon, naglalaan pa aniya ng “extra effort” ang mga tricycle para makahanap ng mga road lane kung saan sila pwedeng dumaan.

Ang sitwasyong ito naman ay nagdudulot ng mga aksidente, at kinalauna’y matinding daloy ng trapiko.

Naniniwala si Panotes na sandaling mayruon ng “tricycle lanes” maiiwasan ang mga aksidente at maisusulong din ang disiplina sa mga tsuper ng tricycle at iba pang sasakyan.