-- Advertisements --

Lusot na sa House Committee on Health ang panukalang gagawad kay Pangulong Rodrigo Duterte ng kapangyarihan para suspendihin ang nakatakdang pagtaas sa premium contribution ng PhilHealth.

Inaprubahan ng komite, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, ang House Bill No. 8316 ni Speaker Lord Allan Velasco, na naglalayong amiyendahan ang Section 10 ng Universal Health Care Act.

Base sa naturang batas, ngayong 2021 ay gagawin nang 3.5% ang premium contribution ng mga PhilHealth members mula sa 3% na kasalukuyang ipinapatupad.

Pero sa ilalim ng panukala ni Velasco, bibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na ipagpaliban ito kasunod nang konsultasyon  mga Kalihim ng Department of Finance (DOF) at sa Department of Health (DOH). 

Maari lamang gawin ang deferment na ito kung kakailanganin sa panahon nang national health emergencies, lalo na kung nakasalalay dito ang kapakanan ng publiko, gaya na lamang ng COVID-19 pandemic.

Apat pang kongresista ang naghain ng hiwalay na panukala kaparehas ng kay Velasco.

Binigyan diin ni Tan na mahalagang suspendihin sa lalong madaling panahon ang premium hike upang sa gayon ay mabigyan din kaagad ang mga PhilHealth contributors ng agarang tulong sa gitna ng hirap na idinulot ng COVID-19 pandemic.

Gayunman, hindi aniya dapat na mailagay sa alanganin ang layunin ng Universal health Care Law, lalo pa at tinitiyak ng batas na ito na may access sa kalidad at murang health care goods at services para sa lahat ng mga Pilipino.

Kamakailan lang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagsuspinde sa monthly premium hike sa gitna ng pandemya, kung saan maraming Pilipino ang apektado.