Lusot na sa House committee on ways and means ang panukalang batas na naglalayong limitahan ang sinisingil at bigyan ng diskuwento ang mga OFWs sa mga fees na binabayaran sa tuwing magpapadala ng remittances sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sa kanilang virtual meeting nitong umaga, inaprubaha ng komite ang House Bill No. 826, o ang proposed “Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act,” na pangunahing iniakda ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales.
Sinabi ni Gonzales na malaki ang nababawas sa ipinapadalang pera ng mga OFWs sa kanilang pamilya sa Pilipinas dahil sa singil at mataas na remittance charge na ipinapataw ng mga financial at non-bank financial institutions.
Sa ilalim ng panukala, maari pa rin namang magpataw ng fees para sa money remittance ng mga OFWs, pero dapat may 50 percent discount para sa anumang halaga.
Nakasaad din sa panukala na maaaring i-claim ng mga financial at non-bank institutions ang diskwentong ibinigay sa OFW remittances bilang kaltas sa buwis dahil ituturing itong mahalagang gastusin na ibabawas sa kanilang kabuuang kita sa isang taon.
Hindi naman dapat lalagpas sa P24,000 kada OFW ang ibabawas sa gross income ng mga establisyimentong nagbibigay ng discounts sa remittance fees sa bawat taxable year.
Ipinagbabawal naman ng panukalang ito ang pagtaas sa kasalukuyang remittance fees na walang prior consulation sa Department of Finance, Bangko Sentral ng PIlipinas, at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).