MANILA — Isunusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong gawing pangunahing opsyon ang digital payment sa mga transaksyon sa gobyerno upang mapabilis ang pagbabayad ng mga bayarin at pamamahagi ng pondo sa publiko.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2330 o eBayad Act, na inihain ni Senator Christopher “Bong” Go, oobligahin ang mga ahensya ng pamahalaan, government-owned and controlled corporations, local government units, state universities and colleges, at iba pang saklaw ng batas na tumanggap at gumamit ng interoperable digital payment systems sa koleksiyon at paglalabas ng pondo.
Saklaw ng digital disbursement ang pagbabayad ng sahod, allowance, honoraria, cash assistance at iba pang gastusin ng pamahalaan, habang oobligahin ding magbigay ng digital payment options sa pagbabayad ng buwis, permit, fees, tolls at iba pang koleksiyon ng gobyerno.
Nakasaad din sa panukala ang paglalabas ng electronic official receipts o digital proof of payment upang mapalakas ang transparency at mas madaling ma-audit ang paggamit ng pampublikong pondo.
Kasama rin sa panukala ang pagbibigay ng insentibo sa mga lokal na pamahalaan upang hikayatin ang maliliit na negosyo, gaya ng mga sari-sari store, market vendors, food stall owners at tricycle drivers, na gumamit ng digital payment systems sa kanilang mga transaksyon.
Upang matiyak ang seguridad ng sistema, inaatasan din ang mga payment service provider na sumunod sa mga umiiral na batas sa data privacy at cybersecurity, habang mananatili ang kapangyarihan ng Commission on Audit na magsagawa ng post-audit sa lahat ng digital transactions na may kinalaman sa pondo ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang mga ahensya ng pamahalaan ng hanggang tatlong taon upang ganap na maipatupad ang digital payment system batay sa kanilang kahandaan.
Magpapataw naman ng multang P200,000 hanggang P2 milyon, pagkakakulong ng dalawa hanggang sampung taon, o pareho, sa mga lalabag sa mga probisyon ng panukalang batas at sa mga regulasyong ipatutupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
















