Isinusulong sa Kamara ang House Bill 31 o ang panukalang batas na “No Garage, No Registration,” sa ilang tukoy na “metropolitan areas” sa bansa.
Ayon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, na siyang may-akda ng panukala, dapat ay mayroon munang sariling parking spaces o garahe ang sinumang bibili ng sasakyan, bago sila makakuha ng rehistro ng kanilang sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).
Sa explanatory note, sinabi ni Velasco na masyadong laganap ang “traffic congestion” o pagsisikip ng trapiko sa 12 metropolitan areas na tinukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ito ang Metro Manila, Angeles, Cebu, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga, at Olongapo.
Sa ngayon kasi ang mga kalsada ay nagmimistulang “parking lots” na, naaapektuhan ang daloy ng trapiko kaya nadadagdagan din ang oras ng biyahe ng mga tao.
Kaya naman giit ni Velasco, panahon nang gawing requirement ang pagkakaroon muna ng parking space o garahe bago bumili ng sasakyan at maiparehistro, partikular sa nabanggit na metropolitan areas.
Kapag naging ganap na batas, ang LTO ang magbeberipika kung ang mga nag-aapply ng registration ng sasakyan ay nakatugon sa requirement.
Sakaling bigo ang sinumang taga-LTO na gawin ito, siya ay masususpinde ng tatlong-buwan nang walang sahod.
Sakaling ang may-ari ng sasakyan ay ilegal na nakakuha ng rehistro kahit walang garahe, babawiin ang kanyang registration.
Ayon kay Velasco, pagmumultahin pa ng P50,000 at pagbabawalan nang magparehistro ng anumang sasakyan sa LTO sa loob ng 3-taon.