-- Advertisements --

Tinalakay sa pulong ng House Committee on Constitional Amendments ang panukalang amyenda sa 1987 Constitution.

Pinangunahan ni house panel Chair, Rep. Rufus Rodriguez ang nasabing pulong na layong pagtibayin ang Committee Rules of Procedure at talakayin ang iba’t ibang panukalang naglalayong baguhin o amyendahan ang ilang probisyon ng 1987 Konstitusyon.

Sa pagpupulong, tinalakay ng komite ang ilang mahahalagang resolusyon at panukalang batas na nagmumungkahi ng mga pagbabago sa pambansang saligang batas.

Bukod sa mga panukalang ito, tinalakay din ng komite ang privilege speech na ibinigay ni Deputy Speaker Ronaldo Puno noong Agosto 11, 2025, kung saan kanyang binigyang-diin ang pangangailangang itama at baguhin ang ilang probisyon ng 1987 Konstitusyon upang maging mas angkop sa kasalukuyang panahon.

Ayon kay Chairperson Rodriguez, mahalagang maayos na mailatag ang mga alituntunin ng komite bago pormal na simulan ang mga deliberasyon sa mga panukalang amyenda.

Ipinunto ni Rodriguez na ang kanilang layunin ay  magkaroon ng masusing, bukas, at demokratikong pagtalakay sa mga panukalang ito.

Aniya ang Konstitusyon ay salamin ng ating bansa dapat itong tumugon sa mga hamon ng panahon habang pinangangalagaan ang mga karapatan at kapangyarihan ng mamamayan.

Inaasahang magpapatuloy ang serye ng mga pagdinig sa mga susunod na linggo upang dinggin ang mga pananaw ng mga eksperto, sektor ng lipunan, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan hinggil sa posibilidad ng Charter Change (Cha-Cha).