Inaprubahan na ng House Committee on Trade and Industry ang panukalang naglalayong amiyendahan ang ilang probisyon ng Contractors’ License Law para ituwid ang ilan sa mga probisyon nito.
Sa kanilang virtual meeting, inaprubahan ng komite ang House Bill No. 1911, na iniakda ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales, na nag-aamiyenda sa Sections 38, 39, at 40 ng Republic Act No. 4566, o ang Contractors’ License Law.
Ayon kay Gonzales, layon ng umiiral na batas na matiyak na tanging mga qualified at reliable na contractors ang maari lamang humawak sa construction sa bansa.
Kaya sa ilalim ng kanyang panukala, pagumultahin ang mga contractors na papasok sa joint ventures kahit walang mga karagdagang lisensya at iba pang requirements.
Sisingilin ang mga ito ng hindi bababa sa P50,000 na multa kung ang halaga ng proyekto ay hindi lalagpas ng P500 million, at bababa sa P500,000 ang multa kung ang proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit P500 million.
Otomatiko namang madidiskwalipika sa kontrata ang bidder na lalabag sa itinatakda ng panukala.
Sinabi ni Gonzales na layon din ng House Bill No. 1911 na taasan ang bayad sa pagkuha ng lisensya, pagrehistro ng application at renewal para matugunan ang inflation at pagtaas ng operation costs at expenses ng PCAB.
Kapag maging ganap na batas, ang pagkuha ng lisensya ay magkakahalaga na ng P5,000, habang ang bayan para sa examination ng applicant at renewal ng kanilang lisensya ay magiging P6,000 at P5,000 na.
Mababatid kasi aniya na magmula noong naisabatas ang RA 4566 noong 1965 ay hindi naman nabago ang singil sa mga dokumentong ito.










