
Isinusulong ngayon ang isang panukalang batas na nagmamandato sa mga shopping mall sa mga lungsod na magkaroon ng kahit isang dog station kung saan maaaring iwanan ng mga may-ari ang kanilang alagang aso habang namamasyal sa mall.
Ayon sa House Bill 7108 na inihain ni Parañaque 1st District Representative Edwin Olivarez, lumalabas mula sa 2009 statistics, dito sa Pilipinas mayroong isang alagang aso ang bawat walong Pilipino.
Kayat dahil sa tumataas kada taon ang bilang ng mga Pilipinong may alagang aso, sinabi ng mambabatas na halos isang milyong households sa bansa ngayon ay mayroong alagang aso.
Saad pa ng mambabatas na marapat lamang na simulan ng maglunsad at suportahan ang naturang layunin para protektahan ang kapakanan ng ating mga alagang aso partikular na ang mga canine.
Pinapayagan naman sa ilalim ng panukala ang pag-charge ng fee sa mga dog owner na mag-aavail ng nasabing serbisyo ng dog station.










