Unang hinarap ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang filipino community sa New Jersey Performing Arts Center, ganap na alas-5:00 ng hapon, ilang oras lamang matapos dumating doon ang presidente.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga Filipino, todo pasasalamat ang pangulo sa suportang ibinigay sa kaniya sa nakaraang halalan.
Ayon pa sa pangulo, isa sa sadya niya sa pagtungo sa Amerika ay para kausapin ang iba’t-ibang lider sa mundo para sabihin sa mga ito ang sitwasyon ngayon sa Pilipinas matapos ang mahigit dalawang taong pandemya
Binigyang diin ng pangulo na pangunahin sa kaniyang misyon ay imbitahin ang kapwa niya mga pinuno at tingnan ang magandang kalagayan ngayon ng ating bansa at hikayatin ang mga ito na maglagak ng puhunan.
Ayon pa kay President Marcos, kapag marami ang nagbuhos ng investments sa ating bansa, siguradong maraming trabaho ang lilikhain nito.
Magbibigay daan aniya ito para mabigyan ng trabaho ang mas maraming Filipino na magiging rason aniya para hindi na mangibang bansa ang mga ito para lamang magtrabaho.
Pinasalamatan din nito ang malaking ambag ng mga Filipino sa pagganda ng lagay ng ekonomiya ng bansa dahil sa kanilang remittances.
Ayon sa pangulo, hindi lamang ang pagtulong sa kani-kanilang pamilyang nasa Pilipinas ang pangunahing pakinabang ng remittances na ipinadadala ng mga ito kundi malaki ang naitulong sa pag usad ng ekonomiya ng bansa.
Sa katunayan, noong 2021 nasa 40% ng remittances na natanggap ng Pilipinas ay galing sa Amerika.
Hindi rin kinalimutan ng pangulo ang taos-pusong pasasalamat sa mga healthcare workers na batid aniya niyang nagsakripisyo talaga sa kasagsagan ng pandemya ng COVID 19.
Walang maitutumbas aniyang halaga sa mga sakripisyong ipinamalas ng ating mga kababayang healthcare workers para sa mga dayuhan sa Amerika kahit pa direkta aniya silang nasa harap ng banta ng pagkakahawa sa sakit.
Kaya naman sa kaniyang talumpati, hiniling ng pangulo na tumayo ang lahat ng mga doktor, nurse at iba pang healthcare workers sa venue at pinalakpakan.
Halos mapuno ang New Jersey Performing Arts Center at bawat isang Filipinong naroon ay may hawak na maliliit na bandila ng Pilipinas na patuloy nilang iwinawagayway habang nagsasalita ang presidente.