-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lalawigan ng Albay upang makita ang sitwasyon at makipagpulong sa mga lokal na ahensya at pamahalaan kaugnay ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.

Nagtungo rin ang pangulo sa evacuation center sa Barangay Mauraro sa bayan Guinobatan upang magpaabot ng food packs at non-food items sa mga evacuees, kasama sina DSWD Sec Rex Gatchalian, Albay Governor Grex Lagman at Guinobatan Mayor Chino Garcia.

Maliban sa mga ayuda ay nagbigay din ang pangulo ng financial assistance sa lokal na pamahalaan ng Guinobatan.

Nakipagpulong rin si Pangulong Marcos sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Department of Education, Department of Agriculture, Department of Health at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Sa pagtataya ng PHIVOLCS an posible pang umabot ng 45 hanggang 90 araw ang sitwasyon kaya tinalakay ang patungkol sa pondo, livelihood, livestocks at maging ang edukasyon ng mga apektadong mag-aaral.

Dito inatasan ng pangulo ang Department of Agriculture na bantayan ang mga livestocks upang masigurong walang maitatalang Avian flu at influenza.

Mahalaga aniya na maliban sa kalusugan ng mga residente ay masiguro rin na ligtas sa anumang sakit ang mga alaga nitong hayop.

Maliban dito ay sinabi rin ni Pangulong Marcos na kinakailangang makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga estudyante dahil posible aniyang magkaroon ng epekto sa mental aspects kung sakaling mahihinto ang mga ito sa pag-aaral at walang gagawin.

Samantala, ayon kay DepEd-Bicol Regional Director Gilbert Sadsad na kasalukuyan ng gumagawa ng plano ang ahensya upang makabuo learning scheme at pinaplano na rin ang pagpapatayo ng mga temporay learning shelter.