-- Advertisements --

Hindi maaring makisawsaw ang sinumang nakaupong pangulo ng bansa sa proseso nang pag-amiyenda sa Saligang Batas, ayon kay House Deputy Speaker Rufus Rodriguez.


Ginawa ito ni Rodriguez para linawin sa mga senador na hindi totoong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para aprubahan nito ang resolusyon na nagpapanukala ng amiyenda sa Konstitusyon.

Malinaw aniyang nakasaad sa Charter na walang papel na ginagampanan ang Pangulo sa proseso nang pagpanukala at ratipika sa mga constitutional amendments.

Ang Kongreso, bilang isang constituent assembly (Con-Ass), o sa pamamagitan ng constitutional convention (Con-Con), ang siyang may kapangyarihan na magpanukala ng mga amiyenda sa Saligang Batas.

Ang taumbayan naman aniya ang siyang may kapangyarihan para ratipikahan o ibasura ang mga proposal na nabuo ng Con-Ass o Con-Con sa pamamagitan ng isang plebesito.

“Ultimately, it is not the Congress nor the President who will decide whether to approve the proposed amendments but the Filipino people where full sovereignty resides in a plebiscite to be conducted by Comelec,” giit ni Rodriguez.

Gayunman, sinabi ng kongresista na dahil sa posisyon na hawak ng Pangulo ay maari itong makapag-impluwensya sa posisyon ng iba.

Noong Martes, inaprubahan ng House committee on constitutional amendments ang Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, na naglalayong ipasok ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa pitong “restrictive” economic provisions ng Saligang Batas na naglilimita sa partisipasyon ng foreign investors sa ilang sektor ng ekonomiya.