-- Advertisements --

Hinimok ni Sen. Kiko Pangilinan ang mga kapartidong mambabatas na suportahan si Vice Pres. Leni Robredo matapos kasuhan kaugnay ng kontrobersyal na Ang Totoong Narcolist video ng nagpakilalang si alyas Bikoy.

Ayon kay Pangilinan, dapat seryosohin ng buong Liberal Party (LP) ang tila panghaharass at persekusyon kay Robredo na siyang chairperson ng partido.

Pinaalala ng senador ang papel na ginagampanan ng oposisyon na bumabalanse sa interes at mga hakbang ng gobyerno.

“We urge our fellow lawmakers at the House of Representatives to seriously consider where they stand in the face of the harassment and persecution brought upon our party chairperson. We must rally behind our party chairperson,”ani Pangilinan.

“Lahat tayo, si Vice President Leni, mga kapwa senador sa minorya, at ang mga LP congressmen, hinalal tayo ng taumbayan para pangalagaan at isulong ang kanilang kapakanan.”

“Lahat ng panggigipit ng mga nakaraang taon ay dito nagtatapos: ang alisin ang mga balakid sa mga balak ng mga nasa kapangyarihan para ituloy ang patayan, ang paninikluhod sa China, at ang panghabambuhay na paghahari-harian nila sa bansa.”

Nauna ng dumepensa ang nagbitiw na LP president na si Pangilnan at sinabing walang basehan ang patung-patong na kasong inihain ng PNP-CIDG laban kay Robredo, gayundin sa ilang opposition officials at mga pari.

Naniniwala naman si Sen. Risa Hontiveros na isang diversionary tactic ng administrasyon ang pagsasampa ng kaso.

Kataka-taka raw kasi na itinaon ito bago ang ikaapat na SONA ng pangulo.

Ayon kay Hontiveros, nakakabahala na gamitin ito ng gobyerno para ilihis muli ang atensyon ng publiko mula sa malalaking issue ng bansa.

“I fear that this is another attempt to introduce a ‘distracting narrative’ to the people to veer public attention away from the real issues surrounding the country’s state of affairs.”

“I also find it odd that the filing of charges was done days before the President’s 4th State of the Nation Address (SONA).”

“Instead of devoting human resources and money to pursue big-time drug lords and other criminals, our police force goes on a wild goose chase to further harass and intimidate the democratic opposition.”

Kamakailan nang lumutang sa Kamara ang plano ng 10 LP congressmen na sumali sa hanay ng majority bloc sa pagbubukas ng 18th Congress.

Gayunpaman, nilinaw ni Quezon City Cong. Kit Belmonte na tuloy pa rin ang agenda ng oposisyon sa Kamara kahit maging miyembro pa sila ng mayorya.