Kinuwestyon ni Atty. Salvador “Sal” Panelo ang naging imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Panelo, lumabas umano sa pagtestigo ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa impeachment trial na hindi naging malalim ang isinagawang imbestigasyon ng ahensya.
Sinabi ni Panelo na hindi umano nasagot ng NBI ang mahahalagang bahagi ng alegasyon, partikular ang usapin tungkol sa sinasabing assassin na umano’y inatasang manakit sa mga nabanggit na personalidad sakaling may mangyaring masama sa Bise Presidente.
Kinuwestyon din ng abogado ang umano’y hindi pagkakatugma ng paliwanag ng NBI kung ang pahayag ni Vice President Duterte ay maituturing na conditional threat o isang tahasang pagbabanta.
Ayon kay Panelo, mas mahalaga umanong tingnan ang mga pangyayaring nakapaligid sa pahayag ng Bise Presidente, kabilang ang umano’y mga banta at panggigipit na kanyang nararanasan bago ito naglabas ng naturang pahayag.
Aniya, maaaring ang sinabi ni VP Sara ay reaksiyon lamang sa isang sitwasyong naramdaman niyang nasa panganib siya.
Samantala, nagpapatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, na nakasentro sa Article IV ng Articles of Impeachment kaugnay ng umano’y grave threats.
Muling haharap bilang testigo si Atty. Lotoc sa pagpapatuloy ng pagdinig.
















