Muling naungkat ang panawagang buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) kasunod ng pagkakatagala ni Vice President Sara Duterte bilang bagong vice-chairperson ng task force.
Sa panig ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), ang NTF-Elcac ay isang oppressive tool mula sa nagdaang administrasyon na dapat ng buwagin.
Ayon kay Pamalakaya spokesperson Ronnel Arambulo, na ang pagkakatalaga ng Bise-Presidente sa nasabing posisyon na isa umanong notorious “red-tagger” ay mas nabigyan ng malalim na dahilan para sa apelang pagbuwag sa naturang ahensiya dahil lalo lamang aniyang iigting at ma-iinstitutionalize ang terror-labeling spree ng task force laban sa mga cause-oriented organizations at mga demokratikong aktibista.
Inihayag naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na maaaring magresulta sa paghadlang sa basic rights ng mga tao ang pagkakatalaga ng VP sa naturang posisyon sa NTF-Elcac.
Iginiit ni ACT secretary general Raymond Basilio na dapat na lamang pagtuunan ni VP Sara ang Department of Education kung saan ito kasalukuyang kalihim dahil nananatiling maraming problema sa sektor ng edukasyon ang hindi pa nareresolba.
Ipinunto naman ng human rights group na Karapatan na dapat ng buwagin ang task force na responsable sa napakaraming kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao.
Kung matatandaan una na ring sinabi ni VP Sara na ang partylist organization na ACT Philippines ay may kaugnayan sa rebeldeng grupo na Communist Party of the Philippines at New People’s Army.