-- Advertisements --

Dapat iwasan ng mga kaalyado at kaibigan ni Vice President Sara Duterte ang pagbibitiw ng mga pahayag na nagpapahiwatig nais na nitong palitan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na ang mandatong ibinigay ng mga Pilipino ay hanggang 2028.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jefferson Khonghun ng Zambales na nagiging malinaw na ngayon na ang mga supporters ni VP Duterte, gaya ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, ay hindi na makapaghihintaypa sa  2028 presidential elections.

Ito ang inihayag ng mambabatas, na kabilang sa miyembro na tinatawag na “Young Guns” ng Mababang Kapulungan, sa unsolicited advice ni dating Speaker Alvarez sa Pangulo na magbitiw sa posisyon kung walang kakayahang resolbahin ang maritime conflict sa China.

Si Alvarez ay kilalang malapit na kaibigan ni dating Pangulong Duterte at kilalang kritiko ng Marcos administration.

Siya rin ay nagkaroon ng alitan sa nakababatang Duterte noong 2018 na naging mitsa sa pagpapatalsik sa kanya bilang pinuno ng Kamara.

Ipinaalala rin ng mambabatas kay Alvarez na si Marcos ang nakakakuha ng pinakamaraming boto sa kasaysayan ng mga kumandidato sa pagkapangulo, na umaabot sa 31 milyong boto, isang patunay na malakas ang suporta ng mga Pilipino sa kanya.

Sinabi ni Khonghun na ang panawagan na magbitiw sa pwesto si PBBM ay parte ng malaking destabilization effort na layong guluhin ang kasalukuyang administrasyon na nakalinya sa kanilang political interest.

Panawagan ng Zambales solon, na nagsasabing ang mga plano ng pagpapatalsik ay hindi dapat isama sa mga usapin sa pulitika.