Binatikos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pahayag ni Anakaluskugan party-list Rep. Mike Defensor na bitawan muna ng ABS-CBN ang news at current affairs division nito habang tinatalakay pa sa Kongreso ang prangkisa ng media giant.
Para sa NUJP, pag-atake hindi lamang sa ABS-CBN kundi sa buong media ang panawagan na ito ni Defensor.
“Thank you, party-list Rep. Mike Defensor for confirming what practically everyone knows but which this government and its minions have vainly tried to deny — that the shutdown of ABS-CBN and the circus that has become of the House hearings into the network’s franchise are, indeed, a press freedom issue,” saad ng NUJP.
Noong Hunyo 25, sinabi ni Defensor sa isang panayam na isa sa mga nagiging problema sa franchise renewal ng ABS-CBN ang “one-sided” reports daw ng kompanya.
“Personal ko ‘to. Kung ako, kunyari tanggalin mo muna iyong news and public affairs. Kasi baka ma-influence ang committee, hindi para ma-curtail ang press freedom,” ani Defensor.
“Pabayaan mo iyong shows na non-political. Katulad nung reklamo nung isang kasama ko, naka-air na naman sila, tinira si ganito, tumira si ganyan, o one-sided iyong paglabas ng issue. Iyong news ang nagiging problem as of now,” dagdag pa nito.
Pero iginiit ng NUJP na ang posisyon na ito ni Defensor ay paglabag din sa Broadcast Code ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, Article 1, Sec. 2.
Nakasaad dito na dapat kasama sa daily programing ng isang istasyon ang pagbabalita.










