Posibleng retaliation ang motibo ng mga teroristang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group sa kanilang naging pag-atake sa apat na sundalo ng Armed Forces of the Philippines sa Maguindanao del Sur.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla kasunod ng insidenteng ng pananambang ng naturang mga terorista sa apat na sundalo sa Datu Hoffer Ampatuan sa nasabing lalawigan.
Aniya, posibleng retaliation ang pag-atake na ito ng mga terorista lalo na ngayong nakakaranas sila sa leadership vacuum at unti-unti na ring humihina ang kanilang puwersa.
Samantala, sabi ni Col. Padilla, tinatayang nasa 20 mga terorista ang nasa likod ng nasabing pananambang at sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis ng kasundaluihan sa mga teroristang nasa likod ng naturang pag-atake.
Matatandaan na una nang tiniyak ni AFP Chief Brawner na tutugisin at pananagutin nila ang mga salarin sa likod ng nasabing pag-atake kasabay ng pangakong susugpuin ang lahat ng puwersa ng mga terorista sa bansa upang matuldukan na ang paghahasik ng mga ito ng takot at krimen.