Dalawa umano ang motibo na tinitingnan ngayon ng mga otoridad sa kambal na pagsabog kagabi sa Isabela City probinsiya ng Basilan na ikinasugat ng dalawang indibidwal.
Ito ay ang siyu sa extortion at umano’y pananakot.
Inaalam na rin ng mga otoridad kung ang teroristang Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagsabog.
Ayon kay Police Regional Office-9 spokesperson Maj. Shellamie Chang, hindi pa nila matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsabog at ano ang motibo sa insidente.
Binigyang-diin ni Chang na hindi rin nila dini-discount ang posibilibidad na pananakot at extortion ang motibo.
Una rito, dalawa ang naiulat na nasugatan sa insidente na isang tindera ng tindahan at isang security guard.
“Ongoing pa po ang in-depth investigation na ginagawa ng mga EOD at SOCO personnel, actually nagtutulungan na po yung Isabela Police Station, yung EOD-K9 unit ng Basilan at ang CIDG forensic unit para ma fast track natin yung investigation,” pahayag ni Major Chang.
Samantala, mariin namang kinondena ni PRO-9 Regional Police director B/Gen. Franco Simboro ang kambal na pagsabog sa Basilan.
Sa ngayon, mahigpit ang ugnayan ng PNP at iba pang law enforcement agencies para matukoy ang mga responsable sa pagpapasabog.
Inatasan na rin ni Simborio ang mga police units na paigtingin ang kanilang security measures at intelligence monitoring and gathering para maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Apela naman ng PNP sa Region 9 na manatiling kalmado at maging alerto dahil on top of the situation pa rin ang PNP.