-- Advertisements --

Agad na pinaghahanda ng kampo ni Pinoy boxer Charly Suarez ang rematch kay Emmanuel Navarrete ng Mexico.

Ito ay matapos na ideklara ng California State Athletic Commission (CSAC) na isang “no contest” ang kontrobersiyal na laban nila kungsaan nagwagi ang Mexican boxer sa pamamagitan ng technical decision.

Kasabay din nito ay inatasan ng CSAC ang muling paghaharap ng dalawa para sa WBO super featherweight world title na hawak ng Mexican boxer.

Sa naging laban noong Mayo 5, sa California ay inakala ng mga judges na ang natamong sugat sa kilay ni Navarrete ay mula sa headbutt kaya nagwagi ito sa pamamagitan ng technical decision.

Subalit sa ginawang pag-aaral at replay ng laban ay lumalabas na nagmula ang sugat ng Mexican boxer dahil sa suntok ng Pinoy boxer.

Dahil sa desisyon ay napanatili ng 36-anyos na si Suarez ang malinis nitong record na 18 panalo at wala pang talo.