-- Advertisements --

CEBU CITY – Pormal nang naghain ng counter-affidavit ang pamunuan ng Bombo Radyo Cebu kaugnay sa libel case na inihain ni Dr. Jamela Osorio-Sanchez mula sa Perpetual Succour Hospital kontra sa chief-anchor na si Bombo Jun Salde.

Isinumite ng himpilan ang kinakailangan na mga dokumento kahapon sa Office of the Provincial Prosecutor sa lungsod ng Cebu.

Maalalang naghain ng kasong cyberlibel ang oncologist ng pagamutan na si Osorio-Sanchez laban sa “Zona Libre” anchorman na si Bombo Jun at ang nagreklamo noon sa Bombo Radyo na si Joan Ordullo Alinson.

bombo cebu marco

Patungkol ito sa reklamong pagkamatay ng ama ni Alinson dahil sa prostate cancer ngunit isinugod ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ward ng Catholic-run na pagamutan at sa kalaunan at nagnegatibo sa coronavirus.

Nakapaloob sa cyberlibel case ang umano’y maaanghang na komentaryo laban sa pagamutan at sa nasabing doktor dahil umano sa medical practice.

Humihingi naman ang nasabing complainant ng P3 million na halaga bilang danyos.

Sagot naman ng station manager na si Bombo Marco Lucabon na hindi sila uurong sa nasabing kaso sapagkat pinaninindigan ng himpilan ang reklamong idinaing ni Alison.

Una nang kinuwestyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa pamamagitan ni Commissioner Greco Belgica ang umano’y medical malpractice na ginawa ng nasabing pagamutan.

Nangako naman daw si Belgica na tutulungan nito si Alinson upang mabigyan ng hustisya ang pagpanaw ng kanyang ama.