Bumuhos ang pagbati para sa bagong lider ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kasabay ng pagsisimula na ng trabaho nito.
Una rito, nagdaos ng simpleng seremonya ang Bangko Sentral para sa pormal na turn over ni out going Governor Felipe Medalla, patungo kay Gobernador Eli Remolona.
Sa isang programa na ginanap sa punong tanggapan nila sa Maynila, binigyang-diin ng bagong talagang pinuno ang pagpapatuloy ng sistematikong patakaran habang binanggit din niya ang pagtugon sa inflation.
Nais umano nito na magkaroon ng matatag na sistema ng pagbabangko at ang mas malawak na digitalized at mahusay na proseso ng pagbabayad sa mga pananagutang pinansyal ng bansa.
Si Gobernador Remolona ang ikapitong pinuno ng BSP mula nang maisabatas ang New Central Bank Act noong 1993.
Sa pag-upo sa bagong tungkulin, bitbit nito ang malawak na karanasan sa paggawa ng patakaran sa international scene, lalo’t nagtrabaho ito ng 14 na taon sa Federal Reserve Bank of New York at 19 na taon sa Bank for International Settlements sa Switzerland at Hong Kong.