Nanawagan ang ilang mambabatas na isantabi na muna ang pagkakaiba sa politika at sa halip ay magtulungan na lamang sa mga ginagawang hakbang para mapabuti ang kinakaharap na sitwasyon bunsod ng krisis na dulot ng COVID-19.

Sa kanyang talumpati matapos aprubahan ang House Bill 6616 o Bayanihan to Heal as One Act bago sumapit ang alas-12: ng hating gabi kanina, umapela si Speaker Alan Peter Cayetano sa mga kapwa mambabatas at sa publiko na iwasan na munang mamolitika.

Iginiit ni Cayetano na hindi natatapos ang problema sa pag-apruba ng Kongreso sa panukalang nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa COVID-19 situation ng Pilipinas.

Kaya mainam aniya na kahit sa pagkakataon lamang na ito ay isantabi muna ang aniya’y “toxic environment” at sa halip ay makiisa na lamang sa mga hakbang kontra COVID-19 pandemic.

Ganito rin ang panawagan ni Manila Rep. Cristal Bagtsing matapos pumanaw ang kanyang bayaw dahil sa naturang sakit.

Hindi ito aniya ang panahon para magtalo-talo ang lahat dahil sa bilis nang pagkalat ng virus ay kailangan mabilis din ang aksyon laban dito.

Gayunman, iginiit nina Cayetano at Bagatsing na sinumang magmamalabis sa sitwasyon na ito ay tiyak na papanagutin sa batas sa oras na bumalik sa normal ang sitwasyon.