
Lantad na sa kaalaman ng publiko na nagmamay-ari umano si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ng mga operasyon ng e-sabong o online cockfighting at small town lottery (STL) sa Negros Oriental at probinsiya ng Cebu ayon kay Pamplona Mayor at naulilang may-bahay ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Paliwanag pa ni Mayor Degamo sa pagharap nito sa Senate inquiry kaugnay sa pagpaslang sa kaniyang asawa na bagamat ang Gobernador ang pinakamataas na posisyon sa probinsiya, pagdating sa pinansiyal na aspeto mas maraming pera ang gambling lord kumpara sa inilaan ng provincial government para sa intelligence.
Paliwanag pa ni Degamo na isang malaking kalaban ang kanilang kinakaharap na ang pera ay nagmumula sa nasabing mga gambling operations at posible aniya maging sa iligal na droga pa.
Mariin namang itinanggi ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves na humarap din sa naturang pagdinig ang pagkakadawit nito sa gambling operations.
Hindi din naiwasang ihayag ni Pamplona Mayor na posibleng buhay pa ang kaniyang asawa kung agad na kumilos ang Senado at mga ahensiya ng gobyerno sa panawagan ng Gobernador na tulong para pigilan ang lumalalang karahasan sa kanilang probinsiya.
Ibinunyag din nito na nairecord ng kaniyang asawa na si Governor Degamo ang isang video kung saan tinukoy nito ang kaniyang mga karibal sa pulitika na sina suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr at kaniyang kapatid na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves na isa sa nasa likod ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay.
Maliban dito, ibinunyag din ni Degamo sa Senate inquiry na lumapit na rin noon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 ang kaniyang asawa at kamag-anak ng mga napatay na iniuugnay sa pamilya Teves subalit hindi aniya sinoryoso ang utos ng dating Pangulo ng mga local police pra resolbahin ang pagpatay sa kanilang probinsiya.










