-- Advertisements --

Pinaiimbitahan ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo sa pagdinig sa Kamara ang isang pamilya sa Quezon City na umano’y nakakuha ng PWD IDs kahit walang hawak na karampatang dokumento.

Sa pagdinig ng House Special Committee on Persons with Disability (PWD), nagmosyon si Arroyo na anyayahan ang naturang pamilya sa mga susunod na pagdinig upang maipaliwanag ng mga ito ang alegasyon laban sa kanila.

Sinang-ayunan ng chairman ng komite na si Maria Lourdes Arroyo ang proposal ng kapwa niya kongresista.

Mababatid na kamakaialan lang ay naging viral sa social media ang litrato ng umano’y fake PWD IDs na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa anim na magkakamag-anak.

Sa kanyang talumpati sa simula ng pagdinig, tinukoy ng chairman ng komite ang paglaganap ng pekeng PWD IDs, na nagdudulot ng malaking lugi sa pamahalaan.

Dahil dito, hinimok niya ang DILG pati na rin ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang polisiya laban sa pang-aabusong ito at mirepresentation o fraud.