BUTUAN CITY – Halos walang paglagyan ng labis na saya ang pamilya Libranza sa Cabadbaran City, lalawigan ng Agusan del Norte matapos manalo si Genisis Libranza sa undercard bout nito sa Pacquiao-Thurman Fight kahapon.
Nakamit ni Libranza ang panalo laban sa Los Angeles-based na si Carlos Maldonado sa pamamagitan ng technical knockout sa ika-apat na round matapos nitong dominahin ang unang mga rounds sa laban kung kaya’t hawak na niya ngayon ang kartadang 19 win, 1 loss at 11-knockout.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng nakababatang kapatid ni Genesis na si Jim Libranza na sa pagsimula pa lang ng laban mixed emotions na sila kung kaya’t nang mapabagsak ang kalaban ay nagsipagtalon na silang lahat dahil sa sobrang tuwa.
Dagdag pa ni Jim, naabot ng kanyang kapatid ang panalo dahil sa kanyang paghahanda na sinamahan pa ng magandang kondisyon at katawan at pananalig sa Diyos.
Masaya sila sa nakamit ng kanyang kuya lalo na’t ito ang matagal na niyang pangarap.