KALIBO, Aklan – Labis na nagdadalamhati ang pamilya sa Aklan ng isang Pinay na binawian ng buhay makaraang masagi at makaladkad ng tren sa Belgium.
Ayon kay Mrs. Lydia Zarandona, 71, residente ng Barangay Dumga, Makato, Aklan at ina ng biktimang si Maricel Vangheel, 37, nabigla at hindi siya makapaniwala sa pangyayari dahil masaya pa niya itong naka-usap, dalawang araw bago ang aksidente noong araw ng Lunes.
Ngayong nakahanap muli ng trabaho, ipinangako umano ng kanyang anak na magpapadala siya ng pera at makakapagbakasyon sa oras na matapos ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sinasabing nagmadaling makasakay ng tren ang biktima upang makauwi sa kanilang bahay sa Antwerp mula sa kanyang trabaho, subalit maling tren pala ang dumaan kaya hindi ito huminto dahilan na nasagi siya at nakaladkad.
Isinailalim sa cremation ang bangkay ng biktima at ipapadala umano ang abo sa kanyang pamilya sa Aklan.









