-- Advertisements --

Umaapela ng hustisya ang pamilya ni Jeneven Bandiala, ang security guard na napatay sa insidente ng pamamaril noong Linggo ng hapon sa loob ng campus ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Sinabi ni Christina Mascardo, live-in partner ng biktima, na nagulat siya nang malaman ang pagkamatay nito.

Hindi raw niya alam kung ano ang gagawin dahil nabigla siya sa nangyari sa kaniyang asawa.

Inihayag naman ni Raymond Bandiala, kapatid ng biktima, dapat makonsensya ang suspek na si Dr. Chao-Tiao Yumol, 38, sa kanyang ginawa.

Si Bandiala, na apat na taon nang nagtatrabaho bilang security guard sa Ateneo, ay sinusuportahan din ang pangangailangan ng kanyang kapatid at ina, ayon sa ulat.

Namatay ang biktima matapos magtamo ng bala sa kanyang dibdib at dalawa sa kanyang mga paa.

Samantala, dinala na sa Cosmopolitan Memorial Chapel sa Quezon City ang mga labi ng dalawa pang nasawi sa insidente ng pamamaril, sina dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay at ang kanyang aide na si Victor Capistrano, sa Cosmopolitan Memorial Chapel sa Quezon City.

Ang labi ni Furigay ay ihahatid sa Basilan sa sandaling makalabas sa ospital ang kanyang anak na si Hannah, na nasugatan din sa insidente ng pamamaril.

Nasa stable na kondisyon na si Hannah sa intensive care unit.

Nauna ng sinabi ni Basilan Governor Jim Hataman Salliman na magtatakda ng state of mourning ang kanilang lalawigan sa pagkamatay ng dating alkalde.

Samantala, tumanggi ang pamilya ni Capistano na makapanayam ngunit sinabing ginagawa na rin nila ang pag-transport sa labi nito sa Basilan.