-- Advertisements --

ROXAS CITY – Tatanggap ng humigit-kumulang sa 5 million New Taiwan Dollar o P8.3 million na kompensasyon ang bawat pamilya ng mangingisdang Pinoy na kabilang sa naging biktima ng pagguho ng tulay sa Taiwan kamakailan lamang.

Nabatid na manggagaling ang nasabing kumpensasyon sa Taiwan International Ports Corporation.

Maliban dito ay tatanggap din ang pamilya ng tatlong Pinoy na nasawi sa trahedya ng financial at burial assistance mula sa Philippine government at inaasikaso na rin ng Manila Economic and Cultural Office ang pagpabalik sa bansa sa bangkay ng mga mangingisda.

Nagpaabot na rin ng condolences sa pamilya ng mga biktima sa Pilipinas at Indonesia ang Ministry of Foreign Affairs sa Taiwan at pinasiguro na magbibigay ng assistance ang mga overseas offices sa naiwang pamilya ng mga biktima.

Samantala, napag-alaman na maliban sa pamilya ng mga napatay na Pinoy fishermen ay tatangap din ng kumpensasyon ang ibang mangingisdang Pinoy na nasugatan sa trahedya.