Tuloy pa rin ang laban para sa pamilya ng mga nasawing biktima sa November 2009 Maguindanao Massacre.
Ito ang binigyan diin ni Ivy Maravilla, asawa ng dating chief of reporters ng Bombo Radyo Koronadal na si Bart Maravilla na kabilang sa 58 katao na pinaslang sa madugong insidente, isang araw matapos na ibinaba ni Quezon City Regional Trial Court Branch 211 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang hatol sa naturang kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ginang Maravilla na magkahalong saya at lungkot ang naramdaman nila nang marinig ang desisyon laban sa 101 na mga akusado.
“Masaya dahil convicted na po ang lahat ng mga primary suspect. Malungkot dahil may mga at large pa rin at mga aquitted. Pero hindi pa tapos ang laban. Kailangan pa rin nating tutukan – lahat ng mga nagsusuporta sa amin na media – patuloy pa sanang subaybayan ang kaso namin, kaso natin at lahat ng sa buong mundo,” ani Ginang Maravilla.
Sa 761 na pahinang desisyon ni Judge Solis-Reyes, guilty sa 57 counts of murder ang 28 akusado kabilang na ang ilang miyembro ng makapangyarihang pamilya Ampatuan: dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM governor Zaldy Ampatuan, Anwar Ampatuan Sr., Anwar “Ipi” Ampatuan Jr., at Anwar Sajid “Ulo” Ampatuan.
Sinentensayahan ang mga ito ng 40 taon na pagkakabilanggo.
Makukulong naman ng anim hanggang 10 taon ang 14 na police officers at si Bong Andal, ang operator ng backhoe na ginamit sa pagpitpit at paglibing sa mga biktima ng Maguindanao Massacre, matapos na magsilbi bilang accessories sa krimen.
Pero absuwelto naman sina Akmad alias “Tato,” Sajid Islam, Jonathan, Jimmy at mahigit 50 pang indibidwal dahil sa ground na reasonable doubt.
Gayunman, labis ang pasasalamat nina Ginang Maravilla kay Judge Solis-Reyes dahil sa hindi nito pagsuko sa kaso sa kabila ng mga apela ng mga Ampatuan para mag-inhibit rito, at sa pagbigay din sa kanila ng inaasam na hustiya makalipas ang isang dekada.