CAUAYAN CITY- Hustisya ang hiling ng pamilya ng magsasakang pinagbabaril at pinatay sa harapan ng kanyang bahay sa Brgy. Planas,Ramon, Isabela kagabi.
Kinilala ang biktima na si Jovel Navalta, 43 anyos, residente ng nabanggit na lugar.
Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang riding in tandem ang biktima habang ito ay papauwi sa kanilang bahay galing sa panonood ng basketball.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Anna Lorraine Navalta, asawa ng biktima, sinabi niya na wala silang alam na rason sa pagpatay sa kanyang asawa dahil wala naman itong nababanggit na nakaaway.
Aniya nagpaalam itong manonood ng basketball sa sentro ng bayan ng Ramon at nang pauwi na ay dito na pinagbabaril ng mga suspek.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marilyn Navalta Sicmaten, kapatid ng biktima sinabi niya na nagkausap pa sila ng kanyang kapatid bago ito nagtungo sa sentro upang manood ng basketball dahil barkada nito ang isang player na naglaro sa pa liga.
Wala rin umano itong nababanggit na problema kaya hindi nila malaman kung anong dahilan ng mga pinaghihinalaan sa pagpatay sa kanyang kapatid.
Nanawagan siya sa mga gumawa nito sa kanyang kapatid na sumuko na at pagbayaran ang kanilang ginawa.
Hiniling din ng pamilya ng biktima ang masusing pagsisiyasat ng PNP upang malutas at mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa kanilang kapamilya.










