Iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa Hongkong ang natagpuang palutang-lutang at naagnas na bangkay ng isang overseas Filipino worker (OFW) malapit sa pier sa Hongkong ngayong linggo lamang.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Raymond Cortez, hiniling ng kamag-anak ng OFW na isang kasambahay doon sa hongkong, sa mga awtoridad na bahagyang isapribado ang pagkakakilanlan ng OFW kung kayat hindi inilalabas ang pangalan nito at ang kaniyang employer.
Nakausap din ng DFA ang employer ng OFW at nangakong gagawin ang lahat para maiuwi ng mabilis ang labi gayundin ang pagbibigay ng sweldo, gratuity o end of service benefits ng nasawing OFW.
Una rito, sinabi ng DFA na nakita ng ilang nagjojogging sa lugar ang lumulutang na bangkay dakong alas-6 ng umaga noong Hulyo 14
Isinailalim na rin sa post mortem examination ang katawan ng OFW para matukoy ang dahilan ng ikinamatay nito.
Ang labi ng OFW ay ibabiyahe pabalik ng bansa sa oras na maresolba na ang kaso at maisyu ang death certificate sa Hongkong.