Binigyang-diin ni Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy na ang pagtanggap ng pallium ay hindi isang personal na karangalan kundi paalala ng pananagutang maglingkod at mag-alaga sa sambayanan.
Matapos tanggapin ang pallium mula kay Pope Leo XIV sa Vatican noong Hunyo 29, sinabi ni Uy na ang sagisag na isinusuot sa balikat ng mga metropolitan archbishop ay nagpapaalala na ang isang obispo ay pastol muna bago maging administrador.
Ayon sa arsobispo, ang pallium, na yari sa balahibo ng tupa at isinusuot sa balikat, ay sumisimbolo sa pagtulad kay Kristo na nagdadala sa kanyang kawan. Aniya, ang pagsusuot nito ay paalala na ang tunay na pamumuno ay hindi tungkol sa pagiging nakatataas kundi sa pagdadala at paglilingkod sa iba.
Sa kanyang pagninilay sa Misa sa Pontificio Collegio Filippino kasabay ng Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, sinabi rin ni Uy na ang pangmatagalang pamana ng mga pinuno ng Simbahan ay hindi nasusukat sa mga titulo, gusali o pagkilala ng publiko, kundi sa mga buhay na nababago sa pamamagitan ng mapagkumbabang paglilingkod.
“The pallium is worn on the shoulder because shephereds carry sheep on their shoulders, not on their heads. Leadership is not about standing others, it is about carrying others,” saad ni Uy.
Kasabay ng pagdiriwang ang ika-65 anibersaryo ng Pontificio Collegio Filippino, kung saan pinarangalan din ang tatlong Filipino metropolitan archbishops na tumanggap ng pallium mula kay Pope Leo XIV sa Misa sa St. Peter’s Basilica.
Bukod kay Uy, tumanggap din ng pallium sina Cotabato Archbishop Charlie Inzon at Nueva Segovia Archbishop David William Antonio.
Si Uy ay naitalaga bilang arsobispo ng Arkidiyosesis ng Cebu noong Setyembre 2025 matapos magretiro si Cebu Archbishop Emeritus Jose Palma.
















