-- Advertisements --
malacanang

Nagbabala ang Palasyo sa publiko laban sa mga indibidwal na nag-aalok ng mga posisyon sa gobyerno.

Nakikipag-ugnayan umano ang mga ito online o sa pamamagitan ng sulat na nag-aalok ng mga posisyon sa gobyerno.

Ang naturang abiso ay mula sa Presidential Communications Office (PCO) matapos magtungo sa Palasyo ang 8 diumano’y “presidential appointees” para sa kanilang oath-taking.

Ayon sa mga biktima, isang Undersecretary Eduardo Diokno at Assistant Secretary Johnson See mula umano sa Office of the Executive Secretary ang nag-utos sa kanila na magtungo sa Palasyo ng Malacañang para sa kanilang panunumpa na pangungunahan umano ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa may Rizal Hall.

Sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara na walang oath-taking ceremony ang naka-schedule at ang umano’y appointees ay halatang naging biktima lamang.

Sinabi ng ilan pa sa mga biktima na mayroon na silang pagdududa sa pagiging lehitimo ng appointment at oath-taking matapos mapansin ang ilang hindi pagkakatugma sa impormasyong ibinigay ng mga scammer ngunit tumuloy pa rin sila sa Malacañang.

Ayon pa sa PCO, nagbayad ng malaking halaga ang mga biktima para makakuha ng posisyon sa gobyerno matapos makatanggap ng imbitasyon tungkol sa mga bakanteng posisyon sa gobyerno.

Kabilang sa mga posisyon na ito ang ambassadorial post sa The Netherlands, Department of Transportation assistant secretary, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) board member, Clark International Airport Corporation (CIAC) president at chief executive officer (CEO), Early Childhood Care and Development Council executive director at vice chairperson, Clark Development Corp. (CDC) director at Port of Batangas manager.

Sa ngayon, ayon sa PCO iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang insidente at umapela an rin ang Palasyo sa mga biktima na makipagtulungan sa mga awtoridad.