Nilinaw ng Malacañang na walang malapit na ugnayan o personal na pagkakaibigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder Franco Mabanta, na nahaharap ngayon sa kasong umano’y pangingikil.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na hindi konektado ang Pangulo sa kasong kinahaharap ni Mabanta.
Ipinakita rin ni Castro sa mga sakop ng media ang mga larawan ni Mabanta kasama sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Sara Duterte, at dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, dapat ding tanungin ng publiko ang relasyon ni Mabanta sa mga kritiko ng administrasyon.
Nauna nang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mabanta at ilan pa niyang kasamahan sa isang entrapment operation matapos umano nilang tangkaing hingan ng P350 milyon si dating House Speaker Martin Romualdez kapalit ng hindi paglalabas ng mga video na iniuugnay sa flood control issue.
Iniiwasan naman ng Malacañang na kumpirmahin kung dati bang nagtrabaho si Mabanta para kay Pangulong Marcos, bagama’t may mga lumabas na larawan sa social media na nagpapakitang magkasama ang dalawa sa iba’t ibang okasyon at panahon.
















