-- Advertisements --

Inianunsyo ng Malacañang na mas maganda na ang pakiramdam ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.

Pahayag ito Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos ang ginawang pagpapakonsulta ni Pangulong Duterte sa kanyang neurologist kaugnay sa pananakit ng balakang.

Sinabi ni Sec. Panelo, mabuti na ang pakiramdam ni Pangulong Duterte na niresetahang uminom ng mga gamot na makapagbibigay ng ginhawa sa gitna ng umano’y “muscular spasms.”

Kailangan din aniya nitong magpahinga at iwasan ang matagal na pagkakatayo at paglalakad.

Una nang sinabi ni Sen. “Bong” Go na lumalabas na muscle spasms ang nagdulot ng matinding pananakit sa spinal column ni Pangulong Duterte na hindi nagpatulog sa kanya at nagbigay ng matinding sakit habang siya ay nasa Japan.