-- Advertisements --

Nagbabala si International Criminal Court Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na maaaring makaapekto sa posibilidad ng paglaya ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang naging pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na nagtatanggol sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Conti, ipinapakita umano ng pahayag ni Cayetano na nananatiling malakas ang impluwensiya at koneksiyon ni Duterte sa Pilipinas, bagay na maaaring ikabahala ng International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Conti na posibleng isipin ng ICC na may mga taong handang tumulong kay Duterte sakaling makabalik ito sa bansa, kaya’t maaari umanong maging dahilan ito upang hindi payagang makalaya ang dating pangulo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“E ‘yung statement lang ni Allan Peter Cayetano… na sinasabi niyang it was about [pro] life, ang gustong patayin ay drugs sa war on drugs. Senyales na ‘yon na malakas pa rin ang kapit at mukhang may tutulong sa kaniyang tumakas kung sakaling makauwi,” saad ni Conti nitong Linggo sa isang panayam.

Matatandaang sinabi ni Cayetano sa isang Facebook livestream na ang war on drugs ni Duterte ay isang “pro-life” at “human rights” campaign na layong protektahan ang mga komunidad laban sa ilegal na droga.

Matagal nang magkaalyado sa pulitika sina Cayetano at Duterte kung saan naging running mate ng dating pangulo si SP Cayetano noong 2016 elections at nagsilbi ring foreign affairs secretary at House speaker sa ilalim ng dating administrasyon.

Samantala, ‘wala pang pahayag si Cayetano kaugnay sa naging komento ni Conti.