Idinipensa ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang isinagawang inspeksyon ng regional police director ng Cordillera kabilang na ang Commission on Elections (COMELEC) hub sa Baguio City.
Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac, ginagawa lamang ni Cordillera Administrative Region Police Chief B/Gen. Ephraim Dickson ang kaniyang trabaho dahil ang PNP ang in-charge sa overall security.
Kabilang dito ang pag-transport ng mga election materials at paraphernalia.
Sinabi ni Banac na walang intensiyon si Dickson na inspeksyunin ang mga mga vote counting machine (VCM) at naniniwala ang PNP na may kaukulang permiso ang opisyal nang gawin niya ito.
Samantala, mariing itinanggi ng Cordillera Administrative Region Police Chief na ininspeksyon ng kanilang mga tauhan ang hub o warehouse kung saan nakalagak ang mga VCM na gagamitin sa May 2019 midterm polls.
Nabatid na umani ito ng batikos mula mismo sa ilang opisyal ng COMELEC.
Paliwanag ni Dickson, nagtungo sila sa COMELEC hub sa Baguio hindi para inspeksyunin ang mga kagamitan sa eleksyon kundi para tiyakin kung nasusunod ba ang ikinasa nilang deployment ng mga tauhan bilang paghahanda sa halalan.
Nanindigan si Dickson na bahagi ng kanilang mandato na tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa kanilang nasasakupan dahil na rin sa banta ng mga komunista at teroristang grupo.
Dahil dito kung kaya wala aniyang anumang naging paglabag ang kanilang hanay sa umiiral na COMELEC laws.
Aniya, nagkataon lamang ng naroon sila nang nai-deliver ang mga VCM.














