Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) bilang tugon sa kanilang kontribusyon bilang mga ambassador ng bansa.
Sa pagharap ng pangulo sa Filipino community sa Japan kaniyang sinabi na titiyakin ng gobyerno ang suportahan, tulungan ang mga OFW sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers.
Sinabi ng Pangulo na ang pagpunta niya at ng delegasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa ay para ipakilala ang Pilipinas bilang isang bukas na ekonomiya para sa pamumuhunan.
Ayon sa Pangulo, naging mas madali ang kanilang pagbiyahe sa ibang bansa dahil sa magandang reputasyon ng mga OFW.
Ibinahagi din ng Pangulo sa mga Pilipino sa Japan na pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho sa bansa.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na hangad niyang magkaroon ng sapat na oportunidad sa Pilipinas para maging optional na lang ang pangingibang bansa.
Inihayag ng Pangulo sa harap ng Filipino community sa Japan na susuklian niya ang suportang kanyang natanggap sa nakalipas ng halalan sa pamamagitan ng kanyang serbisyo para mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.
Muling pinasalamatan ng Pangulong Marcos Jr ang overseas Filipino workers (OWF) sa Japan sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang remittances.










