Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagtugis sa mga gang at sindikato na nambibiktima ng mga batang babae kasunod ng napaulat na pagtaas ng kaso ng panghahalay sa bansa.
Inihayag ng kalihim na nagulat siya na mayroon aniyang lugar na numero unong naitatalang krimen ay hindi nakawan o cybercrime kundi rape o panghahalay.
Hindi naman tinukoy ng opisyal ang partikular na lugar bagamat sinabi nito na dapat pang mag-extra effort ang Philippine National Police sa pagprotekta sa mga kabataang babae.
Ipinag-utos din ng DILG chief ang pagbuo pa ng mas maraming “Kuwarto ni Neneng”, isang programa ng PNP sa mga komunidad kung saan nakakapagtala ng pagtaas sa mga kaso ng sexual abuse laban sa mga kababaihan.
Sa naturang programa, nagtatayo ng mga sild para magkaroon ng sariling kwarto ang mga nagdadalaga para matiyak ang kanilang privacy at kaligtasan.
Inihayag din ni Sec. Abalos na dapat magsagawa ng house visits ang mga kababaihang police at social welfare officers sa mga kabataang babae.