Nababahala si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na magiging banta sa national security ang pagtayo ng mga telco (telephone company) towers sa loob ng mga military bases sa bansa.
Sa pagsalang ng Philippine Competition Commission (PCC) sa budget deliberations sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni ni Brosas na dapat masilip ang kasunduan na ito ng Armed Forces of the Philippines at Dito Telecommunity o mas kilala noon bilang Mislatel Consortium.
Ayon kay Brosas, dapat ma-review ang kasunduan na ito lalo pa at associated ang Dito Telecommunity sa China Telecom at Udenna Corp. na pagmamay-ari ng Chinese businessman na si Dennis Uy.
“We believe the PCC must assert its power to look into this kind of preferential treatment to Dito Telecommunity, especially as it constitutes anti-competitive behavior and poses serious risks to national security,” ani Brosas.
Nakakaalarma aniya ang pagkakaroon ng advantageous market position ng isang Chinese-backed telecom firm dahil pinapayagan itong magtayo ng mga towers sa loob mismo ng mga pagmamay-ari ng gobyerno at posibleng gamitin sa pag-espiya ng China sa Pilipinas.