-- Advertisements --
Gatchalian
Sen. Sherwin Gatchalian (PRIB Photo by Albert Calvelo)

Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagtatag ng isang Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang magkaroon ng sapat na suplay ng mga bakuna sa bansa.

Ang pahayag ng Senador ay sa gitna na rin ng patuloy na mababang bilang ng mga batang nakatatanggap ng mga bakuna.

Sa ilalim ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022 o Senate Bill No. 941, isinusulong ni Gatchalian ang mga inisyatibo upang patatagin ang lokal na produksyon ng mga bakuna, pati na rin ang technology transfer.

Layon ng naturang panukala na magtatag ng VIP na magsisilbing premier research and development institute sa larangan ng virology.

Magiging saklaw ng VIP ang lahat ng larangang may kinalaman sa viruses at viral diseases sa mga halaman, hayop, at mga tao.

Gagamitin naman ang mga resulta ng pag-aaral ng VIP para sa pagbuo ng mga plano sa pagsugpo sa mga nakakahawang sakit, pati na rin sa disease control and prevention.

Ayon kay Gatchalian, kasabay ng pagihikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, mahalagang matiyak din na may sapat na suplay ng bakuna at may kakayahan tayong magsagawa ng pananaliksik at mga pag-aaral.