-- Advertisements --
BIR

Pagtataas ng sahod ng personnel ng BIR, inihihirit
sa gitna ng mahigit 7K bakanteng posisyon sa ahensiya dahil sa mababang sahod

Inihihirit ni Bureau of Internal Revenue Commisioner Romeo Lumagui Jr. na mataasan ang sahod ng kanilang kawani.

Ito ay sa gitna na rin ng mahigit 7,000 bakanteng posisyon sa kanilang ahensiya dahil sa isyu sa mababang pasahod.

Sinabi ito ng BIR Commissioner sa deliberasyon ng Senado sa panukalang pondo ng DOF at attached agencies nito para sa 2024.

Pangunahin aniya nilang problema ay nahihirapan silang mag-recruit ng mga personnel dahil sa mababang sahod na mayroon ang BIR kumpara sa ibang mga ahensiya ng gobyerno. Inihalimbawa ni Lumagui ang sinasahod ng BIR officials kumpara sa ibang ahensiya gaya ng Civil Service na may ₱51,000 sahod kada buwan para sa entry lawyers habang sa BIR ay ₱27,000 ang sahod.

Karamihan sa mga hindi pa napupunang posisyon ay sa mga provincial offices bagay na tinutugunan naman na aniya ng BIR.

Iginiit naman ni Senator Sherwin Gachalian na kapag ganitong mababa ang sinasahod ng mga empleyado, maaaring mangyari ang korupsiyon at matukso ang mga ito sa pera. Sinabi din ng Senador na maging ang Bureau of Customs ay mayroong 2,061 bakanteng posisyon.

Kayat kahit gaano man pagibayuhin ang proseso, kapag ang sahod ay mababa, mahihirapan ang BIR at BOC na makakuha ng mga empleyado lalo na ito ay isang enforcement group.