LEGAZPI CITY- Kinondena ni Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy ang pagtapyas ng Senado ng halos 80% sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na mula sa P24 bilyon ay naging P4 bilyon na lamang.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Badoy, sinabi niya na sakaling tuluyang mabawasan ang budget nila ay makakaapekto ito sa mga naghihirap na komunidad lalo pa ngayong may COVID 19 pandemic.
Dahil sa limitadong budget, hindi na mailulunsad pa ang Barangay Development Program kung saan nagbibigay ng P20 milyon pondo sa bawat barangay na maidedeklarang insurgency free upang magamit sa mga community projects.
Aminado ang opisyal na makatotohanan rin ang desisyon ng Senado na i-realign ang ilang sa budget ng NTF-ELCAC patungo sa COVID 19 response subalit hindi naman maaring pabayaan ang laban sa terorismo lalo na ang mga malalayong barangay na apektado nito.










