-- Advertisements --
image 370

Nananawagan ang House committee on poverty alleviation sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na suspendihin ang pagtanggal sa aabot sa 1.3 milyong mahihirap na pamilya sa conditional cash transfer program.

Sa isang pahayag, sinabi ng chairman ng komite na si 1-Pacman Rep. Mikee Romero na hiniling ng panel sa ahensya na suriing mabuti ang kondisyon ng mga pamilyang tatanggalin at ang mga papalit sa kanila.

Bagama’t sinusuportahan aniya ng komite ang pagsisikap ng gobyerno na makinabang ang mas maraming mahihirap na pamilya mula sa 4Ps, sinabi ni Romero na nais nitong matiyak na talagang napabuti nga ng mga pamilyang maalis sa programa ang kanilang katayuan sa buhay.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang patakaran ng DSWD na ang mga sambahayan ng 4Ps na kumikita ng mahigit ₱12,000 kada buwan ay hindi na karapat-dapat sa pinansiyal na tulong at ipinunto na ang ₱400 sa loob ngisang araw ay hindi pa sapat para pakainin ang isang pamilya.

Sinabi pa ni Romero na ang panukalang delisting moratorium ng komite ay hindi makakaapekto sa 4Ps dahil mayroon itong sapat na pondo.

Aniya, ang pondo ng programa sa taunang pambansang badyet ay sapat para sa 4.4 milyong pamilya.

Sa ngayon, nasa 3.9 milyong pamilya ang itinuturing na aktibo, kung saan 3.2 milyon ang tumatanggap ng tulong pinansyal. May 700,000 na households nama. ang ‘under review’.

Noong nakaraang taon, inanunsyo ng ahensya na hindi bababa sa 1.3 milyong benepisyaryo ng 4Ps ang hindi na kwalipikado para sa tulong dahil sila ay napagalamang walang karapat-dapat na miyembro ng kanilang household para mapabilang sa programa, hindi sumusunod sa mga kondisyon ng programa, o nakamit na ang self-sufficient stage.