-- Advertisements --
oil spill1 1

Nakarating na sa Naujan, Oriental Mindoro ang Shin Nichi Maru na isang Japanese vessel na layuning tumulong din sa kasalukuyang operasyon ngayon na isinasagawa ng mga otoridad sa nasabing lalawigan na apektado ng malawakang oil spill mula sa lumubog na oil tanker sa lalawigan.

Ito ay bahagi pa rin ng mas pinaigting pa na mga hakbang ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa pagtutulungang ginagawa ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at iba pang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na nagsusumikap na tugunan ang naturang suliranin.

Sa naging pagpupulong mga kinauukulan ay tinalakay ng mga ito ang nagpapatuloy na oil spill management operations kabilang na ang entry at deployment ng mga Japanese vessel na tinatawag na Shin Nichi Maru na mayroong remote operated vehicle o underwater robot na gagamitin ng mga otoridad upang alamin ang aktwal na kondisyon ng lumubog na oil tanker na may kargang 800,000.

Ayon kay NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, makakapagbigay ng report patungkol sa actual condition ng nasabing oil tanker ang sa loob lamang ng tatlo hanggang limang araw.

Aniya, ang report na ito ay makakatulong sa pamahalaan na magbigay ng basis upang makagawa pa ng mga kaukulang hakbang para kontrolin ang oil spill mula sa pinagmumulan nito.

Samantala, kahapon ay tinungo ni Oriental Governor Governor Humerlito “Bonz” Dolor kasama si Incident Commander CG Commodore Geronimo Tuvilla at OCD USec. Ariel Nepumoceno, ang huling lokasyon ng MT Princess Empress bago ito lumubog sa may Balingawan Point sa bayan ng Pola.

Sa ngayon ay umaabot na sa 32,661 na mga pamilya mula sa lalawigan ng MIMAROPA at Western Visayas ang apektado na ng naturang oil spill, habang aabot naman sa Php28.3 million ang halaga ng humanitarian assistance na naipabot na ng mga ahensya, lokal na pamahalaan, at non-governmental organizationsm at iba pa sa mga apektadong residente ng nasabing trahedya.