-- Advertisements --

Sisilipin ng House Committee on the Welfare of Children ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ng chairman ng komite na si Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez na mayroong “urgent need” para imbestigahan ng Kamara ang mga kasong ito.

Ito ay para masilip din ang kalidad ng police implementation pati na rin sa existing at related na mga batas para mapunan ang mga pagkukulang dito.

Ayon kay Romualdez, dapat mabilis ang prosecution sa mga OSEC cases, magkaroon ng full accountability at compliance ng mga internet service providers at social media at ng iba pang online platforms.

Layon din aniya nila sa isasagawang imbestigasyon na magkaroon ng assessment sa kapsidad ng mga enforcement agency sa pagresponde at paghawak sa mga OSEC cases, at para makapagpanukala ng mas malakas na social protection measures.

Nabatid na bago magkaroon ng pandemya, sinabi ni Romualdez na base sa report ng National Center for Missing and Exploited Children noong 2018 na nasa 600,000 child sexual abuse materials mula Pilipinas ang reported na shared at ibinibenta online.